February252010

Sa Madalas

Madalas na pagkakataon, nakakaramdam ako ng kalungkutan, pang-aapi sa kapwa, mga bigat ng pasanin at mga pagtitiis sa araw-araw. Mga isipin na madalas di nakakapagpatulog sa akin. Madalas din mga taong di mo kaano-ano inaapi ka, para bang kung tratuhin ka wala kang kwenta sa mundo dahil siguro mahirap ka lang, di importanteng tao. Madalas din mga mahal ko sa buhay ang tinitiis ko dahil mahal ko kahit gawan ko ng kabutihan pag-iisipan ka pa rin ng masama. Madalas naiisip ko na nakakapagod, nakakapagod ng mag-tiis, magpasensya, nakakapagod ng gumawa ng mabuti, minsan naiisip ko na gumanti. Pero kapag naiisip ko na ang sabi ng Dios na, kayo din naman ay uusigin ng dahil sa Aking Pangalan, nauunawaan ko. Sa tuwing sasagi sa isipan ko na sabi ni Kristo mahalin mo ang kapwa mo ng gaya ng sarili mo, mahalin mo ang kaaway mo at maging mapag-patawad at mapagmahal, ang gagawin mo hindi ka na lang kikibo, iiyak ka na lang sa isang tabi, mananalangin, ida-daing ko sa Dios ang mga nararamdaman ko. Hihingi ng tawad dahil nakakaramdam ako ng sama ng loob sa kapwa. Nang dahil na rin sa kagustuhan kong makasunod sa Dios at sa pagmamahal sa kapwa na turo ni Kristo, magpapatuloy kang magtiis, magpasensya at huwag mapagod gumawa ng mabuti. Nagpapasalamat ako sa Dios na kahit mahirap lang ako, di naman matalino, wala namang halaga sa mundo, sa awa at tulong Niya kahit papaano gumagaan ang loob ko. Nagkakaroon ng pag-asa. Ang na-aala-ala kong palagi ang sabi Niya sa Filipos 4:6: “Huwag kayong mangabalisa sa anomang bagay; kundi sa lahat ng mga bagay sa pamamagitan ng panalangin at daing na may pagpapasalamat ay ipakilala ninyo ang inyong mga kahilingan sa Dios.” Salamat sa Dios at kinaawaan Niya ang isang maliit na tulad ko.

← Previous Post   Next Post →